Agosto 6, 2007

May Pakialam ka ba?!

“Putang-ina! Bakit hindi maintindihan ng nanay ko na para sa kanila ang ginagawa ko?! Punyeta napakakitid kasi ng utak niya …ginagawa ko to para sa kanila at sa lahat!” Masama ang loob na usal ni Loida sa sarili habang binabagtas ang kahabaan ng makipot at paliko-likong eskinita palabas sa lugar nila. “Tang-ina sino ba namang gago ang makikinig sa akin daig ko pa si balagtas sa kadramahan kung magsalita kasi eh!” dagdag pa ng dalaga sabay sipa sa nakakalat na lata ng condense milk sa daan.

Hindi maalis sa isipan ni Loida ang sinabi sa kanya ng kaibigan niyang si JY noong nagsisimula palang siyang maging aktibo sa organisasyon. Minsan naitanong niya dito,

“Bakit mo ginagawa ito? Bakit hindi ka nalang maging seryoso sa pag-aaral o kaya magtrabaho, mas makakatulong ka sa pamilya mo diba?”

“Eh ikaw bakit ka ba nandito? Balik na tanong sa kanya nito. “Di ba kasi naniniwala ka sa pagbabago? Isipin mo nalang kapag nabago natin ang bulok na lipunang ito, ang unang-unang makikinabang ang sarili nating pamilya mismo!”

Napatango si Loida sa sinabing iyun ni JY tama nga naman, kapag nabago ang putang-inang bulok na lipunang ito makikinabang ang lahat, ano ba namang magtiis muna siya sa araw araw na pakikibaka katulad ng madalas na pagmartsa sa kahabaan ng edsa at pilit na sugurin ang mendiola tuwing nagrarally. Maliit na bagay lang yun kumpara sa napakalaking kapalit na hinahangad niyang pagbabago para sa lahat.

Minsan natatawang, naaasar si Loida sa sarili, bakit ba naman kasi lumaki siyang ganito. Masyadong apektado sa lahat ng mga nangyayari sa paligid niya, minsan gusto niyang sapakin ang sarili sa tuwing nakakaramdam siya ng awa sa mga taong nakikita niyang namamalimos o sa mga batang nakikita niyang nagbebenta ng sampaguita sa halip na mag-aral.

“Ano bang magagawa ko para sa kanila?” Ito ang madalas na tanong niya sa sarili, “Sana ako nalang si Darna, o sana naging milyonarya nalang ako para makatulong naman ako sa kanilang lahat”. Ang problema, hindi eh! Alam niyang magiging pulubi rin sya kapag ngayon palang eh hindi siya kikilos. Halos isang kahig isang tuka rin lang din naman pamilya nila, kaya nga halos lumabas ang litid sa leeg ng nanay niya sa tuwing sinisermonan siya nito sa dahil sa madalas niyang pagsama sa mga rally, imbes na pumasok sa eskwela.

“Anak, mahirap rin lang tayo sana naman maintindihan mo ako… panganay ka kaya ikaw ang inaasahan kong makakatulong sa mga kapatid mo, sana naman huwag mong sayangin ang pagkakataon mong makapagtapos ng pag-aaral, iyun lang ang kaya kong ipamana sa inyo.”

Halos paulit-ulit na bilin ng ina sa kanya sa tuwing nagkakasabay sila sa hapag kainan, naririndi na rin ang utak ni Loida sa mga ganitong dialogo ng nanay niya. Paulit-ulit na tango lang din ang madalas na isukli ni Loida sa ina sa mga ganitong pagkakataon. Nagsasawa na rin siya, kaya nga nakapagdesisyon siyang tapusin na ang lahat kanina, alam niya masakit din sa nanay niya ang mga binitiwan nitong salita.

Halos isumpa siya ng ina dahil sa matinding galit nito nang magpaalam siya dito kanina, pero alam niyang hindi kayang intindihin ng makitid na utak ng nanay niya ang gusto niyang gawin. Walang normal na tao ang makakaintindi sa kanya, isang malaking kahangalan nga lang naman ang gagawin niya. Pero, ano kung maging hangal siya? Hindi naman siya nag-iisa, makikita nyo maiintindihan nyo rin kami at magpapasalamt din kayo sa mga katulad namin pagdating ng takdang panahon kahit papaano nakaramdam ng pagiging superior si Loida sa kaisipang iyun.


Pagdating sa may kanto malapit sa sakayan ng jeep, muling nilingon ni Loida ang eskinitang pinangalingan niya. Alam niya hangang ngayon umiiyak pa rin ang nanay niya, habang nagtatakang nakatingin naman dito ang tatlo niyang kapatid na parehong nasa elementarya palang ngayon. Hindi na napigilan ng dalaga ang mapaluha, masakit pero alam niyang wala siyang magagawa, ito ang kanyang tadhana.

Divisoria-Moriones, ang nakasulat sa signboard ng jeep na pinara ng dalaga at dali-daling sumakay, halos makaladkad siya ng jeep na mabilis ding humarurot pagkasampa ng dalaga dito, mabigat ang backpack na nasa likuran niya, at mabilis nyang ipinatong muna ito sa bakanteng pwesto sa tabi niya. Napatingin siya sa relos, alas kuwatro ng hapon ang usapan nila ni Moises sa kanilang tipanan sa may terminal ng bus sa Pasay alas dos palang ng mga sandaling iyun.

Napasulyap ang dalaga sa headline ng dyaryong binabasa ng lalaking mataba na nakaupo sa harapan niya. Sa wakas napalaya na raw ang paring kinidnap ng halos isang buwan din sa Zamboanga.

“Kapal ng mukha ni Madam! Masyadong obvious! Akala niya kasi mga tanga ang mga pinoy eh! Hindi man lang pina-aga talagang itinaon pa sa nalalapit niyang sona! Kapal ng mukha!” Bulong ni Loida habang pilit na kinokontrol ang sariling agawin at punitin ang dyaryong hawak ng lalaki dahil sa matinding inis.

Punyeta! Wala na bang sulosyon ang trapik dito sa pinas!? Ang mabagal at siksikang mga jeep naman sa kalsada ang napansin ng dalaga, wala nang paki-alam si Loida sa lakas ng boses niya napansin niyang napatingin sa kanya ang matandang aleng mukhang magsisimba dahil may hawak na rosaryo at bibliya.

Gusto niya rin sanang sigawan ang matandang ale, laitin at isumpa ang diyos nitong walang silbi para sa kanya, kung hindi lang dahil sa binatilyong biglang sumabit sa gilid ng jeep at mabilis na hinablot ang kuwintas ng matabang mamang naka-upo sa harapan niya.

Ang inis ng dalaga ay napalitan ng matinding pagkagulat sa bilis ng pangyayari, “hayup na batang iyun ang bilis ah!” may paghanga pa sa boses na sabi ng dalaga sa kawawang mamang walang nagawa kundi ang kamutin ang makati at mahapdi nitong leeg. Napapa-iling na hinabol na lamang ng tingin ng lalaki ang binatilyong mabilis na tumatakbo papasok sa isang eskinita sa may bandang San Nicolas.

Muling nabuhay ang pag-asa ng dalaga, kapag nagtagumpay sila ng mga kasamahan niya wala nang mga ganitong eksena. “ To each according to his needs, from each according to his ability” Ito ang madalas isiksik ni Loida sa utak niya … napakagandang kaisipan, ngayon palang nakikinita ko na ang isang mapayapang pamumuhay, napabuntung hininga si Loida alam niya magkakaroon ng katuparan ang idolohiyang iyun.

Divisoria na, ang halo-halong amoy ng mga nabubulok na prutas at gulay at ang maitim na tubig baha sa may bandang Ilaya ang sumalubong sa dalaga. Kabisado niya na ang lugar na ito, halos araw-araw yata na ginawa ng Diyos dumadaan siya sa lugar na ito sa tuwing papasok sa eskuwela.

Mabilis na bumaba ang dalaga at patingkayad na lakad takbo ang ginawa ni Loida patungong Juan Luna dahil sa matinding putik at mga nakakalat na basura. Pagkakita ng jeep na baclaran diretso sakay ang dalaga at nakipagsiksikan sa mga aleng galing sa pamamalengke na ngayon ay naka-upo na sa jeep. Halos hindi naman maka-upo ng maayos ang dalaga dahil sa dami ng laman ng jeep, punong-puno ng kung anu-anong sako at halo halong plastic ng gulay ang loob ng sasakyan.

Katulad ng dapat asahan trapik nanaman! Kinuha ng dalaga ang mobile phone na tumunog sa pantalon niyang maong. Si Moises baka malate daw dahil may inasikaso pa ito, nagtxtbak naman ang dalaga ng “ok lang papunta palang ako dun”

Eksaktong alas tres ng hapon nakarating din ang dalaga sa may terminal ng bus, umupo si Loida sa harap ng kaisa-isang telebisyon sa terminal nang maulinagan ang News Advisory hinggil sa development sa paglaya ni Father Bossi. Sandamakmak na media interview at presscon ang nakahanda para sa pari ukol sa detalye ng pagkakabihag nito.

Lumingon siya na parang may hinahanap at nakita niya ang mga ulo ng mga taong nakatuon ang pansin sa tv reporter. May mga mukha ng pagtataka, pagkagalak, at pagkabalisa marahil sa magiging bunga ng paglaya na iyon ng pari. Ngunit sa isip ni Loida isa na naman itong “manufacturing consent” sa legalidad na gagawin ng hukbong sandatahan. Napapa-iling na lamang ang dalaga, sa tagal niya sa organisasayon halos sawa na rin siya sa mga pulong at kung anu-anong conspiracy theory ng gobyerno umano, na inihahain at inilalatag sa kanila ng kanyang organisayon.

Simula sa araw na ito, hindi lang pauli-ulit na sigaw na madalas bumagsak sa mga binging tenga ng pamahalaan ang gagawin ni Loida. Hindi lang paulit-ulit na pagmartsa sa EDSA na naging sanhi na rin ng pagkagasgas at pagkakalubak lubak ng nasabing kalsada ang gagawin niya. Simula sa araw na ito, may talagang gagawin na siya at may magagawa na siya! Kinakabahan ngunit puno ng pag-asang napayakap si Loida sa hawak niyang Bag, alam niyang mapanganib ang susuungin niya pero handa na siya.

Rice and beans, rice and beans, rice and beans … pilit na iwinaksi ni Loida ang pauli-ulit na katagang iyun na pilit na sumisiksik sa utak niya. Kagabi may napanood siyang isang documentary tungkol sa bansang Cuba, isang sosyalistang bansa na pinalaya sa pamamagitan ng rebolusyon na pina-mununuan ni Fidel Castro, na ngayon ay tumatayong lider ng nasabing bansa. Nakita niya kung paano inilagay sa pedestal ng mga mamayan ang nasabing lider, nakita niya rin ang pagkadis-kontento ng mga ito na pilit na itinatago sa magarang presentasyon ng mga militar. Rice and beans ang paulit-ulit at madalas na rasyon daw ng pamahalaang Fidel Castro sa mamamayan nito. Dito kaya sa pilipinas ano? Kamote at Galungong? Gustong matawa ni Loida sa kaisipang iyun. Kamote at Galungong?


Nagulat na lamang ang dalaga nang may tumapik sa likuran niya, “Potah! Anong ginagawa mo dito ateng?!” Si Josser, ang boyfriend ng kaibigan niyang bading.

“Sssshhh, huwag kang maingay! May inaantay lang ako ano ka ba?!, teka ikaw san ka pupunta? Tanong din ng dalaga dito.

“Uwi ako sa amin sa Lucena, alam mo na namimiss na daw kasi ako ng mudra kaya homecoming ang drama ko ngayon” Malanding wika nito habang iwinawagay-way ang kulay pink na bag at pakembot na naglakad palayo sa dalaga .

Napangiti lang si Loida at kinawayan na ang kaibigang mabilis na sumakay sa bus na nakaparada. Naalala niya tuloy ang pelikulang “Before Night Fall’ ni ___________________ kuwento ng isang baklang tumakas sa isang Communistang Bansa sa pamamagitan ng pagsakay sa isang Hot Air Balloon na sa kamaang palad pinatay ng mahuli ng pamahalaan.

“Putang-ina tong si Moises ang tagal eh! “ asar na biglang sambit ni Loida sa sarili, ewan bakit bigla siyang nainis! Pero putang-ina kung nasasakal ang mga mamayan ng Cuba mas nahihirapan naman ang karamihan sa China at saan pa sa Russia?! “Putang-ina kasi lahat gago! Sakim! Tang-ina nyo lahat! Galit na usal ng dalaga sa sarili, gusto niyang tumakbo, magwala at magsisisigaw!

Mabilis na kinuha ng dalaga ang bag at wala sa sariling naglakad sa kahabaan ng EDSA, masama ang loob niya, nagdidilim ang paningin niya, nauuhaw siya! Putang-ina! Paulit-ulit at wala sa sariling sambit ng dalaga habang patuloy ang walang humpay na lakad.

Gago ako! Tanga! Bobo! Gago si Gloria! Gago si Joma at putang ina nilang lahat! Tumutulo na ang mga luha sa mga mata ni Loida, pero masikip pa rin ang pakiramdam niya. Hindi niya alam kung paano makakatakas sa pagkakakulong sa kanyang sarili.

Iyak at tawa ang ginawa ng dalaga habang binabaktas ang kahabaan ng EDSA, naisip niya para akong nagrarally nito ah. Ang pinagka-iba nga lang ngayon mag-isa lang ako. Patuloy pa rin sa pag-agos ng mga luha sa mga mata ng dalaga pero unti-unti namang lumuluwag ang pakiramdam niya. Hindi na siya galit, nawala na rin ang paninikip ng dibdib niya, saka lamang napansin ni Loida na nasa EDSA SHRINE na siya, ang layo din pala ng nilakad ko? Nagtatakang bulong ng dalaga sa sarili. Napaupo siya sa may hagdanan ng nasabing monumento.

Napansin niyang kanina pa pala tumutunog ang cellphone niya, si Moises tumatawag at naka anim na miskol na pala ito sa kanya. Napatitig lang ang dalaga sa hawak na cellphone, nang tumigil ito sa pagriring mabilis na ini-off ni Loida ang cellphone at binuksan ito, tinangal ang sim card at itinapon ito sa butas ng kanal at, mabilis din namang ibinulsa ng dalaga ang naka-off nang cellphone.


FOOD NOT BOMBS!
APARATO NG ESTADO WASAKIN DURUGIN GAWING PAGKAIN!

May sampu hanggang labinlimang kabataan ang nagmamartsa dala ang isang malaking kaldero at isang itim na banner. Dali-daling lumapit si Loida para usisain ang nagaganap apat ang may hawak sa malaking kaldero, isang tagasandok, isang tagabalot, isang tagabigay, dalawa ang nakahawak sa banner, isang tagapagpaliwanag at ang lima ay tagabigay ng polyetos bilang paliwanag sa nagaganap na pagkilos.

Matamang pinagmasdan ni Loida ang ginagawa ng mga kabataang iyun, ngayon niya lang napansin ang grupong iyun ng mga kabataan. Pilit niyang inaalam kung sino ang lider ng mga ito, pero sa nakikita niya wala namang nagmamando sa kanila o umaaktong lider, lahat may ginagawa at abala sila sa kani-kanilang gawain. Maya-maya pa, naglapitan na sa grupo ang mga pulubi at mga batang lansangan isa-isa naman silang binigyan ng lugaw na inilagay sa plastic ng mga kabataan.

Nagpasyang umalis si Loida sa lugar na iyun, ayaw niyang makakita nanaman ng mga pulubi at mga batang namamalimos, hindi ngayon ang tamang panahon usal niya sa sarili. Mabilis na sumakay sa napadaang jeep ang dalaga, napansin niyang tinitingnan siya ng mga kasakay niya sa jeep siguro dahil sa namumugto niyang mata.

Itinuon na lamang ng dalaga ang pansin sa labas ng jeep, trapik nanaman pero binalewala na lamang ito ni Loida sanay na siya sa trapik at sanay na rin siya sa mga tarantadong pinoy driver na pasaway magmaneho. Napansin niyang nagrorosaryo ang matandang naka-upo sa harapan niya, napatingin sa kanya ang matanda at sinuklian niya naman ito ng tipid na ngiti at malalim na buntunghininga.
Katabi naman ng matanda ang dalawang magnobyo na sweet sa isat-isa, halatang parehong nagtatrabaho na ang dalawa sa mga suot nito, napansin niya ang hawak ng babae plastic bag ng grocery at isang maliit na paperbag ng damit.

Noon lang din napansin ni Loida ang batang babaeng sa tantiya niya ay sampung taong gulang, naka-uniporme ito ng puting blouse na may mantsa sa kuwelyo at kulay asul na palda at lumang sapatos na itim, napansin niyang butas ang puting medias ng bata. Kalong nito ang school bag nitong pinaglumaan ata ng tatlong nakatatandang kapatid nito. Halatang pagod ang bata at galling sa eskwela amoy pawis na nga ito. Nahihiyang ngumiti naman sa kanya ang batang babae nang magtama ang mga paningin nilang dalawa, lumabas tuloy ang bungi nitong ngipin. Napangiti rin si Loida, biglang nalala niyang ganyan din sya noong nag-aaral ng Elementarya.

Nagtataka tuloy siya, ano kaya ang iniisip ng batang ito sa ngayon? Katulad din ba ito sa kanya noon na kapag nakasakay ng jeep habang pauwi ng bahay, ay nangangarap ng gising ng isang masarap na hapunan pag-uwi sa bahay nila? ang mabigyan ng magarang laruan sa pasko ng ninang niya? At ang maabutan sa bahay nila kahit na minsan na hindi lasing ang tatay niya?

Bakit ang mga bata simple lang mangarap? Ganito na ba talaga ako katanda ngayon? Dalawampung taong gulang pa lang ako, bakit ako naging hangal at nag-akalang mapapalaya ko ang putang-inang pilipinas sa kinalalagyan nito ngayon? Bakit sila walang paki-alam? Bakit kayo walang paki-alam?

Napansin ni Loidang nasa kanto na siya ng pamilyar na eskinitang kinalakhan niya, madilim na nang mga sandaling iyun. Pagbaba ng jeep nakita na agad niya ang tatay niyang nasa tindahan nanaman ni aling Azon at nakikipag-inuman sa mga katropa nito, naulinagan niyang pinag-uusapan ng mga ito ang tungkol nanaman sa mga abusayaff dawn a kumidnap kay father Bossi.

Kung noon, madalas siyang maki-alam sa ganitong mga kuwentuhan sa lugar nila ngayon deadma nalang ang dalaga. Tinunton niya ang eskinita papasok sa bahay nila, kabisado niya na ang bawat kurba at butas ng eskinitang iyun, tuloy-tuloy lang sa paglalakad ang dalaga. Hangang sa matanaw niya ang nanay niyang naghihintay sa pintuan ng bahay nilang pinagtagping yero, plywood at sako.

Pagkakita sa kanya, agad namang tumuloy ang nanay niya sa kusina, naghubad ng sapatos ang dalaga at mabilis ding sumunod sa kusina ngayon lang siya nakaramdam ng gutom. Nakita niyang nakaupo na sa hapag ang tatlo niyang nakababatang kapatid, umupo na rin ang dalaga at sarap-na sarap na sinighot ang amoy ng piniritong galunggong na inihain ng nanay niya.



END

(for editing pa rin po)

Walang komento: