Agosto 11, 2007

ANONG PAPEL MO?

"Do not ask who I am and do not ask me to remain the same:
leave it to our bureaucrats and our police to see that our papers are in order." (m.foucault)

Unang Papel:
"Misis pirmahan nyo po itong BIRTH CERTIFICATE ng anak nyo, dito po nakasaad kung anong petsa at oras sya ipinanganak pati ang pangalan ng kanyang mga tunay na magulang. Dito nyo rin po malalaman kung ano ang kasariaan ng anak ninyo"
Sa tinatawag nilang Birth Certificate, nakasulat ang tamang oras at araw ng ating pagsilang. Nakasulat din dito ang ating kasarian na magiging gabay natin sa isang napakahalagang desisyon ng ating pagkatao.Para bang kapag wala kang ganitong papel ay hindi mo malalaman kung ikaw ba ay babae o lalaki? Pati ang pangalan ng ating mga magulang ay naririto rin. Eh para saan ang tinatawag nilang lukso ng dugo na likas na nararamdaman natin sa ating mga magulang, kapatid at kamag-anak?Paano kapag nawala ang papel? Ibig sabihin ba nito wala na tayong karapatang tawaging ina ang ating ina at ama ang ating ama? At tama nga ba ang papel sa pagsasaad ang tunay nating kasarian? Dahil sa papel na ito nagkaroon tayo ng dirkriminasyon sa mga bakla at lesbiana o yung mga tinatawag na third sex! Ang papel na ito ang nagdikta sa atin upang kamuhian at ituring na makasalanan ang mga taong sumunod at nagpalaya sa tunay nilang pagkatao.

Pangalawang Papel:
" Sa ngalan ng ama, ng anak at ng espirito santo, ikaw Juana Dela Cruz ay binabasbasan ko upang mapabilang sa simbahang katoliko, upang makamit mo ang kaligtasan at buhay na walang hangan. Magulang, kunin nyo sa secretarya ang kanyang BAPTISMAL CERTIFICATE"
Ang Baptismal Certificate ang ating pangalawang papel, ito ang nagpapatunay na tayo ay kabilang at sumailalim sa basbas ng isang relihiyong nakagisnan ng ating mga magulang. Ito daw ang ating pinanghahawakang dokumento upang makamit natin ang kaligtasan at buhay na walang hangan! Ang mga taong wala ng papel na ganito ay itinuturing na makasalanan at magdurusa sa buhay na ito. At wala silang karapatan sa tinatawag ng marami na kaligtasan o buhay na walang hanggan. (Ayoko na mag-comment dito.)

Pangatlong Papel:
"Misis ayon sa REPORT CARD ng anak ninyo mahina po siya sa klase, mahirap po siyang umintindi at hindi madaling matuto. Naku, misis mahihirapan ho yang anak ninyo paglaki nya kung ganyan sya!"
Sinong Bobo? Ayon, sa "grading system" at "report card" ng kung anong paaralan at institusyon; bobo ka,mahina sa klase, mababa ang IQ in short tanga! Paano nga ba nasusukat ang tunay na talino, galing at kakahayan ng isang tao? Ipinagsisigawan ng papel na ito sa sangakatauhan at sa buong mundo kung hangang saan lamang ang kakahayan mo. Dahil sa papel na ito, nawalan ka ng tiwala sa iyong sarili pakiramdam mo wala kang karapatang matuto, tumuklas at mabuhay...

Ika-apat na Papel:
"Congratulation, here is your DIPLOMA"
Para saan nga ba ang Diploma? Sabihin na nating reward mo ito sa napakahabang panahong inilagi mo sa apat na sulok ng inyong eskwelahan. Isang kapirasong papel, na akala natin ay magbibigay sa atin ng garantiya ng isang magandang bukas. Paano mo nga ba nakamit ang papel na ito?Naniwala ka ba na dahil sa papel na ito naisukat ng tama ang iyong kakahayan at pagkatao?

Ikalimang Papel:
"Pasensya na pero kailangan mong kumuha ng POLICE AT NBI CLEARANCE bago ka namin tangapin"
Bakit hindi na lamang nila sabihing kriminal at makasalanan tayong lahat? Ang papel na ito daw ang nagdidikta ng kalinisan ng iyong kalooban at pagkatao. Bakit, sino ba ang walang bahid ng kasalanan? Para saan ang tinatawag nating konsensya, na nagdidikta sa atin kung ano ang tama at mali?Ang papel na ito lamang ang nagbibigay garantiya na tayo ay hindi gumawa at hindi gagawa ng kasalanan. Hindi nga ba...?

Ika-anim na Papel:
" Please present your PASSPORT, hindi ho kayo makakalabas ng bansa kapag wala nito."
Ibig sabihin, wala kang karapatang maglakbay! Ang papel na ito lamang ang magbibigay sayo karapatan na pumunta at tuklasin ang ibat-ibang sulok ng daigdig. Kapag wala ka nito, para kang ibon na nakulong sa hawla, limitado ang iyong paggalaw at wala kang karapatang puntahan ang bawat lugar na naisin mo.

Ika-pitong Papel:
"Asan ang MARRIAGE CONTRACT nyo?"
Marriage Contract daw, para bang gusto nilang palabasin na ang pag-ibig ay isang bagay na makakamit mo lamang kapag may ganito kang papel. Ang papel na ito ang nagsasabi kung sino ang taong dapat mong makasama habang-buhay. Kung wala ka nito wala kang karapatang ipadama ang iyong pagmamahal sa taong gusto mo, ito rin ang magtatali sa iyo sa pag-ibig na kahit lumipas na ay dapat mong panindigan at tiisin sa ayaw mo't sa gusto.

Ika-walong Papel:
"Wala kang PERA? Pasensya ka!"
Kailangan pa bang pag-usapan ang halaga ng papel na ito? Sa lahat ng papel ito ang pinaka-importante, halos ito ang nagpapa-ikot ng ating buhay o ng buong mundo. Sa papel na ito nakasalalay kung ano ang katayuan natin sa lipunan, kung hangang kailan ang itatagal natin sa mundo, kung ano tayo at kung ano ang tingin sa atin ng marami. Ito ang pagkain, hangin, tubig, ligaya, kalungkutan at buhay nating lahat! Kapag wala ka nito makukuha mo na sa wakas ang huling PAPEL...

Ika-siyam na Papel:
"Juan Dela Cruz, born on Jan. 1, 1960, died on Jan. 1, 2005... cause of death, STARVATION... ito po ang nakasulat sa DEATH CERTIFICATE"
Ito ang huling papel, nagsasaad ng araw ng iyong kamatayan at ang sanhi nito. Sa karamihan ang papel na ito ay animo sumpa, kinatatakutan at wala ni isa man ang magnanais na makuha ang papel na ito. Subalit sa ayaw at sa gusto natin, darating din ang panahon na ang papel na ito ay mapapasa-kamay natin. Katulad na lamang ng mga naunang papel na nagpakilala sa ating pagkatao at nagbigay gabay kung paano natin patatakbuhin ang sarili nating buhay sa pamamagitan ng mga papel...

Ngayon itatanong nyo pa ba kung ano ang tunay na papel natin dito sa mundo? Malinaw na ang papel natin ay sumailalim sa kapangayarihan at magpa-alipin sa mga papel! Papel ang siyang nagpapatakbo sa buhay natin, ito ang bumubulong ng mga damdaming dapat nating maramdaman, ito rin ang nagsasabi ng tunay nating kakayahan at pagkatao. Ang papel ang ating pagkakakilanlan, kaya nitong sukatin, paikutin, pigilan at tapusin ang ating buhay sa mundong ito na pinaghaharian ng mga papel!
Samakatuwid ang papel ang tunay na ....DIYOS!!!

(this is a repost from my old entry dated 2005 same blog)

Walang komento: