Enero 12, 2009

Bago

Bagong taon, bagong buhay bagong pag-asa yan ang sabi nila! Eh sa akin ano ba ang nabago bukod sa nadagdagan nanaman ng isang taon ang edad ko. Yup! 29 na ako sa awa ng mga dapat maawa malapit ko ng maabot ang chapter III ng buhay.

Pero feeling ko kahapon lang ako lumabas sa eskwelahan, parang kailan lang nakikipag-agawan pa ako sa jeep tuwing umaga para humabol sa second subject ko sa umaga (madalas akong late noon dahilan kung bakit bagsak ako! kaya huwag nyo pong tularan). Parang kailan lang ng una kong makilala ang partner ko hmmm halos siyam na taon na pala ang nakalipas pero hangang ngayon sariwa pa rin sa alaala ko yung feeling ng kilig at paghanga sa kanya (naks naman pasweet!). At natutuwa naman ako na kahit halos nagsasawa na kami sa mga mukha namin eh hangang ngayon hindi pa rin naman nawawala ang pagiging sweet namin sa isat-isa.

At syempre makakalimutan ko ba ang mga panahong nagdadalantao ako sa panganay namin, o sa bunso namin na tatlong taon na rin ngayon. Imagine 29 lang ako meron na akong 6 at 3 years old kid? Well, kailangan pa bang pagtalunan natin kung kelan ang tamang edad ng pagkakaroon ng anak? Siguro naman hindi dahil ang mahalaga napapalaki namin ang mga anak namin ng tama (ayun sa aking sariling standard he,he).

Sa taong ito ano ba ang mga nabago sa akin bukod sa syempre ilalabas ko ang aking book 2 (hiraya manawari!) sana mas maraming bagong suporter na tumangkilik sa bago kong proyekto ngayon. Marami rin naman akong gustong baguhin, nagbabalak akong magchange ng career o kaya ng kompanyang papasukan.

Pero sa ngayon malabo pa ito, hindi ko yata kayang umalis sa pinapasukan ko dahil sa maraming dahilan, pero tingnan natin hindi ko naman hawak ang tadhana bahala na. Basta ang alam ko lang kung sakaling may babaguhin ako sa career ko hopefully para sa mas ika-uunlad ko ito bilang isang corporate slave... means greener pasture...more anda bahala na muna at isantabi na muna natin ang mga kung anu-anong prinsipyo sa buhay, sa panahon ngayon kailangan maging wais at praktikal diba?

Ooopss may bago nga pala akong pinagkakaabalahan ngayon ang alaga kong green turtle na pina-ampon sa akin ng isang african national friend ko na bumalik na sa bansa nila sa dahilang hindi siya makahanap ng babaeng mamahalin at magmamahal sa kanya sa pinas. Kaya ayun umuwi sa kanila at kesa naman lasunin nya yung alagang pagong na hindi naman niya madadala dahil hassle sa biyahe, ayun pina-ampon niya nalang sa akin. At syempre dahil ayokong nalulungkot ang alaga ko bumili ako ng isa pang green turtle at dalawang lobster (ewan ko ba) para alagaan na rin. Wish ko lang eh tumagal sila sa akin.

Hmmm so yan na muna ang chika at mga bago sa akin hangang sa muli mga ka blog!

Walang komento: