Setyembre 8, 2007

Ang Makabagong Panawagan: Pagtutulungan



Malaon nang pinagtitibay ng karanasan ng mga tao na mahirap asahan ang pamahalaan, na sa gubyerno lamang iaasa ang lahat. Ang kasalukuyang bulgaran ng mga baho ng mga lider progresibo, sa gubyerno, sa simbahan, sa mga barangay hanggang sa kaliit-liitang yunit panlipunan ay isang anomalya na dapat pagtuunan ng pansin.

Taong 2003 nag-alburoto ang sandamukal na mamamayang hindi natakot sugurin ang balwarte ng pambansang kapangyarihan sa galit dahil naikulong ang lider “kuno” ng masa na umani ng tagumpay mula sa kanilang hanay. Hindi napigil ng baril, bumbero, teargas, military-marino, trailer tank, barb wire at mga pulis pangkalawakan ang mga nakakakilabot, nakakatuwa, nakakagalit na eksena ng nataguriang “malacanang siege”
Magdamag naming inantabayanan ang mga pangyayaring ito sa maliit na transistor radio na minana pa ng aking ama mula sa aking lolo. Nagtitinginan lamang kami sa tuwing lumalampas sa mga barikada ang mga kapwa naming maralita na hindi ko alam kung nabubulagan ng kanilang mala-messianikong turing sa nahalal/inihalal nilang pangulo. Aminin ko matagal din akong napaniwala na masasagip pa ng halalan ang mga inaasahan ng mga mamamayan. Minsan pa nga ay naging volunteer pa ako ng inaakala kong may matinong programa sa ating bansa (sumalangit nawa, mabuhay ka!) na magbibigay pag-asa sa lugmok na kalagayan ng pulitika sa ating bansa.

Sabi nga hindi naman masamang managinip, subalit may babala na dapat managip ng makakaya lamang ng sariling kakayahan. Mas malakas kung magsasama-sama ang mga magkakaparehong mga panaginip. Ang kolektibong hangarin “collective consciousness” ng mga tao ay makakamit sa pamamagitan ng pagtutulungan.

contributed by FUTURE POLITICAL PRISONERS OF THE PHILIPPINES

Walang komento: