Agosto 27, 2007

walang pamagat

tulad moy alon
sa dalampasigan
kalmado kung minsan
o balisa kung hindi man
maharot na nakikilaro
sa daluyong ng karagatan
sa nakatutulig na sampal
at mga hampas sa batuhan.

babae...
ang katahimikan mo ba'y
pagpapalalim at pagpapanibagong-lakas
o pagpapatalas ng isipan para
sa susuunging laban ng bukas?

Ano ang kahulugan ng mga luhang iyan?
Ito na ba ang katapusan ng iyong mga laban?
Nang pagsuko sa prinsipyong tangan?

Gusto kitang maramdaman
di mo kailangang ipagsigawan
ang nararamdaman mo minsan
sa pagluha mot katahimikan
mas higit kitang naiintindihan

Gusto kitang hagkan...
Maarok ang lalim ng iyong pagmamahal
Di kailagang sabihin
Di mo kailangang humiyaw
sapat na sa aking ang init
galing sa mga labi mong
naglalakbay sa aking katawan

May nagbigay sa akin ng tulang ito sa friendster account ko. Naisip ko masyado siyang maganda para itambak ko lang sa inbox ng mga messages ko sa friendster. Nangaling nga pala ito kay Oliver, hindi ko siya lubos na kilala pero alam kong malalim ang pagkakaunawa niya sa mga isinusulat ko dito sa blog. Kaya maraming salamat sa napakaganda mong tula....

Walang komento: