December na ngayon, kung hindi nagkakamali ang doctor na sumuri sa akin, ngayon ang kabuwanan ko. Matagal rin ang siyam na buwang paghihintay, at malaking hirap sa akin ang pagkakataong wala akong mapiling isusuot dahil sa lumalaki kong tiyan. Sa totoo lang, ang mahirap lang sa nagbubuntis ay ang katotohanang hindi mo maisusuot ang mga damit na naisin mo, at ang katotohanang bibili ka o manghihiram ng mga damit na komportable sa isang nagbubuntis, halos araw araw na lang ay iyon ang inisip ko…ano kaya ang maisususot bukas? lalo na’t pumapasok ka sa opisina o may mga importanteng lakad na pupuntahan nandun ang pagpipilit na maitago ang lumalaking tiyan upang kahit papaano ay magmukhang maganda pa rin. Pasensya na ako kasi ang tipo ng nagbubuntis na nagsusuot pa rin ng mga seksing damit ayoko kasing magmukhang losyang at nanay katulad ng karamihan. Isipin nyo nang napakababaw ko pero sa totoo lang ito ang struggle ko sa ngayon araw-araw kakatawa noh?
Lalaki daw ayon sa ultrasound, ang magiging pangalawang anak namin ng kinakasama ko sa loob ng mahigit limang taon na walang kasal. Nakakatuwa dahil mas magiging kumpleto na ang maliit na pamilyang sinimulan namin nang wala sa plano. Ibig kong sabihin nabuo kami nang wala sa hinagap namin, dahil sa totoo lang sa edad namin ngayon hindi mo aakalaing magkakaroon na kami ng dalawang anak, 25 ako at ang boyfriend ko naman ay 27, pasalamat naman kami dahil nairaraos namin ang bawat taon na masaya at walang gaanong hirap. At nagagawa pa rin namin ang mga bagay na nais naming gawin katulad ng pag-oorganisa ng kung anu-ano at pagbuo ng ibat-ibang proyekto maging ang pagdalo sa ibat-ibang kinahiligan namin.
May naisip na kaming ipapangalan sa bata “Sanjiv” na ang ibig sabihin ay “life o love” Lucifer sana na ang ibig sabihin ay “Bringer of Light” kaya lang baka matakot naman at ipagtabuyan ang anak ko ng mga taong makikitid ang isipan at pang-unawa. Kaya pinalitan na lamang namin ng Sanjiv para magkaroon naman sila ng pattern ng panganay naming si “Samadhi” na ang ibig sabihin naman ng pangalan ay “Enlightenment”. Marami ang nagtatanong kung may lahi ba akong muslim o ang asawa ko dahil sa tunog ng pangalan ng mga anak namin. Ang sagot syempre ay wala, naisip ko lang bukod sa kakaiba at may magandang kahulugan, nais lamang naming ipakita na ang pangalan ay walang kinalaman sa lahi o relihiyong pinapraktis ng isang indibidwal. Sa totoo lang katulad ng karamihan dito sa Pilipinas, pareho kaming bininyagang katoliko ng patner ko; pero syempre habang lumalaki at nagkaka-isip tayo nagkakaroon na rin tayo ng lakas ng loob na baguhin, ipagbalewala at kalimutan ang mga paniniwala, tradisyon at relihiyong nakagisnan natin, dahil sa impluwensya ng maraming bagay, karanasan at tao sa paligid natin o dahil na rin sa mga sarili nating pagpapasya.
Habang nalalapit ang araw ng panganganak ko, naisip ko rin ang isang kaibigan na kasalukuyang nasa ospital dahil sa isang sakit na dumapo sa kanya. Malala ang kanyang kalagayan, subalit bilang isang tao natural lamang sa atin ang makaranas ng ganito. Habang nawawala ang iilan may dumarating naman, kanya kanyang paraan lamang ng pagdating at pamamaalam sa mundo. Pero alam kong kahit na malala ang sakit ng kaibigan ko, alam kong masaya siya at kuntento sa mga naging karanasan niya dito sa mundo. Dahil alam kong siya ang tipo ng taong hindi natatakot na lisanin ang buhay na ito, sapagkat isa siya duon sa mga taong “Nabuhay ng Totoo”. Nakalulungkot nga lamang isipin na ang mga ideya, talento at pilosopiya niya ay hindi niya lubusang maibabahagi sa ating lahat upang patuloy na magbigay ng inspirasyon at magmulat.
Tayong lahat ay alabok…tuldok…naniniwala kaya ang karamihan sa ganito? Ako, bilang tao matagal ko nang tinangap na mawawala rin ako, magiging bahagi na lamang ng lumipas at alaala para duon sa mga taong nakasama ko. Hindi ko man alam kung sa anong paraan ako magtatapos; basta ang alam ko darating din ang panahon na maglalaho ang isang “Janet” (totoong pangalan ko). Kahit na hindi ko alam o wala akong ideya kung ano ang magaganap matapos kong lisanin ang mundong ito, mas makabubuti sigurong isipin na ang kamatayan ay nangangahulugan ng katapusan. Walang pangalawang buhay, buhay na walang hangan, langit, impyerno o ang tinatawag nilang purgatoryo. Wala ring reincarnation bilang isang hayup, insekto o halaman o bilang isang bagong tao na may bagong pagkakakilanlan o kakanyahan.
Halika, subukan nating tuklasin ang kamatayan at ang karanasan ng pamamaalam…Ito ang pagkakataon kung kelan bigla tayong makakaranas ng matinding sakit at kasunod nito ay ang hindi maipaliwanag na pamamanhid ng buo nating katawan… at mabilis na maglalaro sa ating isipan ang mga tao at mga mahal natin sa buhay na maiiwan natin, anak, asawa, magulang, kaibigan, kaaway, mga pagkakataong pinalagpas, mga pangarap na hindi na mabibigyan ng katuparan, mga salitang hindi binitawan, mga pangakong napako, mga bukas na hindi na magigisnan o mga gabing hindi na muling masasaksihan, mga damdaming itinago, mga emosyong hindi na muling mararanasan.
Siguro pilit nating lalabanan ang kamatayan, maghuhulagpos tayo sa kadiliman maghahanap ng liwanag, at sa ating isipan sumisigaw tayo’t tumatakbo ng mabilis, magsusumikap tayong takasan at labanan ang tadhana subalit gaya ng karamihan mabibigo tayo… lalamunin tayo ng kadiliman mahuhulog sa walang katapusang balon ng kawalan.At sa huli aagos ang luha sa mga nakapikit nating mga mata…at dito matatapos ang lahat sa atin. At wala nang pag-asa o pagkakataon pang mabuhay o muling manumbalik ang dating Ikaw…
Siguro iiyakan tayo ng mga mahal natin sa buhay sa ibat-ibang dahilan, magdadalamhati sila. Ang iba nama’y matutuwa o magdiriwang sa iyong pagkawala. Pero may pakialam ka pa ba? Syempre wala… sapagkat sa ngayon ikaw ay isa na lamang tuldok, bahagi na lamang ng lumipas at alaala. Ni ikaw mismo ay hindi mo na magagawang alalahanin pa kung anong klaseng nilalang o bagay ka pa, yan eh kung may pagkakakilanlan ka pa. “We are all stardust”… diba nakakatawa? Isang malaking sampal sa sangkatauhan ang kaisipang ito, hindi ko naman masasabing katotohanan sapagkat, ito ay bahagi lamang ng kabuuan ng aking paniniwala sa tao at kamatayan. Masyadong “tragic” diba? Nakakapanliit bilang isang tao, tayo na itinuturing na pinakamataas na uri ng hayup o nilalang dito sa mundo, mauuwi sa wala? Isang malaking kahibangan! Siguro walang normal na tao ang tatangap ng ganito.
Pero para sa akin, ito ang pinakamalapit sa katotohanan, mas madaling tangapin keysa sa sinasabi nilang buhay na walang hangan sa langit, at walang hangang paghihirap sa kumukulong apoy ng impyerno o ang walang hangang pagtitika sa putgatoryo. Kung sakaling totoo man ang mga ito, sa langit? ayokong mamuhay ng walang hangan duon hindi ko siguro kakayanin ang inip, nasanay na ako sa magulong buhay dito sa mundo. Sa impyerno? malabong mauwi ako sa kumukulong apoy, gagawin ko ang lahat para bayaran si Satanas, at isa pa paano susunugin ang kaluluwang walang katawan, alam ko ang utak ang nagdidikta ng emosyon at damdamin. Sa purgatoryo? malamang patayin ko na lamang muli ang aking kaluluwa kung sakali at kung pwede lang.
O mas nanaisin ba nating mabuhay muli bilang isang insekto o hayup? Sa palagay ko hindi ko na pag-aaksayahan ng panahon ang kaisipang iyan, hindi naman siguro alam ng ipis na tao siya sa kanyang dating buhay, dahil kung Oo ang sagot diyan malamang ako ang ipis na hinding hindi lalapit sa dumi!
Kaya, walang pagpipilian… mas mabuting mamatay na lamang ako habang panahon, kung sakali mang may oras at panahon pa sa kamatayan. Sa palagay ko naman magiging kuntento ako sa buhay ko sa kasalukuyan, sa kaligayahan at inspirasyong binibigay sa akin ng mga mahal kong si Samadhi at sa partner kong si Jhoy na wala na akong hahanapin pa at sa panibagong kayamanan kong si Sanjiv, sa tingin ko wala na akong papangarapin pa.
Masaya ako, Malaya, wala akong pakialam sa sinasabi ng ibang tao, hindi ako nakagapos sa tradisyon at paniniwala ng kahit na anong relihiyon, ako ang pumipili ng mga bagay na pinaniniwalaan ko at gusto kong paniwalaan, hindi ako nakakulong sa kapangyarihan ng kung anong samahan o organisasyon “Just for the sake of belonging”, Isa akong santa, puta, mabuting kaibigan, masamang kaaway, wala na akong hahanapin pa, sa palagay ko tama na ang lahat sa akin, at isa pa ang paghahangad ng ibang bagay ay maaring bumago sa paniniwala kong naranasan at nakuha ko na ang lahat na nais kong makamtam.
Nakakaloka noh? Pero isipin mo…minsan lang tayong mabubuhay kaya dapat lubus-lubusin na natin. Ngayon pa lang alisin na natin ang takot at mga pag-aalinlangan. gawin na natin ang mga bagay na talagang makapagbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan. Tatanungin nyo ba ako kung bakit tayo "Narito"? Hindi ko alam ang sagot diyan, pero para sa kaunting kaliwanagan maari nyong basahin bilang panimula ang "Big Bang Theory" o "Darwins Theory" kung saan ipapaliwanag sa atin ang simula ng lahat sa masalimuot at maaring magulong paraan para sa atin. Pero kung nais mo ng mas madali at hindi na kailangan ng mahabang paliwanag at eksplekasyon magbasa ka na lamang ng Bibliya kung saan ang lahat ay naganap at nagsimula sa kapangyarihan at himala.
O baka naman tinatanong nyo kung ano ang kahulugan o "purpose" ng buhay? Siguro nandito tayo para maging masaya, dahil sa totoo lang lahat ng mga bagay na ginagawa natin ay para sa ating ikaliligaya. Maging ang pilit nating "pagsurvive" ay para sa ating kaligayahan, kumakain tayo, bumibili ng damit, pumapasok sa relasyon, nagtatrabaho para mabuhay at maging masaya.
Kaya dapat maging masaya ang lahat, maging sa araw ng kamatayan sapagkat nangangahulugan ito na sa wakas ay matatapos na rin ang paghahanap natin ng mga dahilan upang lumigaya nakakapagod din naman diba?
Ano sa palagay nyo?...
6 (na) komento:
wala pa plano sa ngayon. Merry xmas din nagpapasko ka ba? hehe
Good design!
[url=http://iqrfexxj.com/pwsz/byws.html]My homepage[/url] | [url=http://yagrbnjs.com/vfzk/yknr.html]Cool site[/url]
Great work!
http://iqrfexxj.com/pwsz/byws.html | http://aqpzyiim.com/iahv/tapr.html
mabuti naman at may katulad mo na naglalantad ng kanilang kaisipan kahit pa nga sabihing babae ka....
madalang sa mga pilipina ang nagpapahayag ng kanilang pananaw, mga pagsusuri sa mga bagay-bagay sa lipunan. sana mas marami pang lumantad na katulad mo....
pero sa mga kasapi ng MAKIBAKA O Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan...mukhang maraming katulad mo....
onward....
aie66, the atheist
friendster account: robedizo66@yahoo.com
Salamat...naniniwala kasi akong ang pagpapalaya ay dapat magsimula sa loob, sa sarili and everything will follow.
whewwwwww ang dami mo palang old posting hahahahahahhaha
lalim ng isang ito.
just sana eh pagbigyan mo na before your end eh magkita naman tayo ng eye to eye hahahahahaha
iyon eh kung hindi ko pa end din
:-)
Mag-post ng isang Komento