Disyembre 14, 2005

Ako Bilang Isang Alikabok...(kabuuan ng istorya)

Na-imagine nyo na ba ang sarili bilang isang alikabok?

Sinimulan kong gawin! Minsan naisip ko at ini-magine ko ang aking sarili bilang isang uri ng alikabok, ewan kung may ibat-ibang uri ito, siguro meron. Alikabok! Siguro mas maliit o kasing liit ng fungi o bacteria! Ewan, hindi ko alam ang sukat at laki ng alikabok, basta alikabok at magiging alikabok ako ngayon!

O, ayan lumiliit na ako! Sa sobrang liit ko tinatangay ako ng hangin! Ayos ah, hindi ko na kailangang maging isang ibon para makalipad. Sarap pala ng pakiramdam ng isang alikabok, magaan at kung saan-saan ako nakakarating.

Hooopps! Teka nakadikit naman ako ngayon sa gilid ng bintana, alam nyo na ung tipikal na alikabok na makikita nyong nagpapadumi at nakadikit sa mga bintana at sa salamin nito? Yun ako ngayon isang dumi sa bintana!

Hhhhmmm, hay, nakakainip din naman palang maging isang alikabok, lalo na’t madikit ka sa kung saan, aba tatlong araw na yata akong nakadikit dito sa may bintana ahh! Hindi rin naman ganun kalakas ang hangin kaya hindi rin ako matangay nito sa pagkakadikit ko. Wala rin namang ulan, paano kaya? Sana may maka-isip namang magpunas at maglinis ng bintanang ito.

Teka, kapag pinunasan na ito mawawala na ba ako? Saan naman ako mapupunta? Anong mangyayari sa akin? Baka mamatay na ako?! Hhhhmmm malalaman ko rin yan. O ito naglilinis na si Nanay, hawak nya ang isang palanganang may tubig at basahan, ooopppss pinupunasan nya na ang bintana! Uy, teka nasaan na ako? Yuck! ang baho naman ng basahan na ito, nakadikit ako ngayon sa basahan kasama ang iba pang dumi at alikabok. Matanong ko nga ang mga katabi at kauri ko sa mga karanasan nila bilang isang alikabok, para magkaroon naman ako ng idea kung saan ako mapupunta.

Hhhhhmm, teka napapansin ko parang walang kabuhay buhay at medyo bored at halatang inip at sawa na ang mga ito sa buhay nila ah! Ayaw man lamang akong pansinin, at teka parang walang mga pakiramdam! Hindi man lamang sila natutuwa at na-excite sa pagiging alikabok nila samantalang ako heto’t hindi maipaliwanag ang excitement sa bagong karanasan. Bakit kaya?


Ay, teka nasa palangana na ang basahan at kinukusotan na ni nanay, ayan natangal din ako sa pagkakadikit sa basahan, bagong adventure nanaman ito! Uy lumulutang naman ako ngayon sa tubig, nakakatuwa! Exciting talaga ito ah!

Ito, ako ngayon palutang-lutang sa palanggana! Ang saya ha! Hhhmmm tapos na maglinis si nanay at ito sangakatutak na kaming dumi at alikabok ibat ibang hugis, laki at anyo nakalutang sa tubig. Siguro ang duming tingnan at daig pa ang ilog pasig sa itim ng tubig na ito ngayon. Hindi bale hindi naman ako apektado, sa liit ko ba namang ito, malalaman ko pa ba ang dumi at linis ng tubig na ito? Basta ang alam ko lang marami na kami ngayon dito.

Ano ba yan, parang may tidal wave ba? Ay, hindi pala hawak na ni nanay ang palangana at ay! Tinapon niya ang tubig sa labas ng bahay! Oh, nasaan naman ako ngayon? Teka berde ang paligid, ano ba ito? Ah tama! Dahon nasa dahon ako ng halaman! Buti nalang dito at hindi sa pusali, nakakaloka sigurong maging bahagi ng dumi ng pusali, nakakababa na ng uri yun!

PART 2

Ang init naman ng sikat ng araw! baka naman masunog ang mga balat ko nito? Teka, may balat ba ang isang alikabok? O pakiramdam at guni-guni ko lang ang lahat. Bakit itong mga katabi ko dito tahimik lang at balewala ang init, lamig, hangin at kung anu-anong elemento na maaring makaapekto sa kanila? O baka naman talagang hindi sila apektado? Nakakaloka ako lang ata ang alikabok na napaka-paranoid! Feeling isang tao pa rin… eh paano nga ba maging isang tunay na alikabok? Alikabok sa isip, salita, at sa gawa?

Obserbahan ko kaya itong mga katabi ko ngayon hhhmmm… lahat sila tahimik, walang imik, walang pakialam, tila walang pakiramdam, sunod lang ng sunod kung saan sila dalhin ng tadhana, parang pakiramdam ata hindi na ata sila umiiral, walang buhay (as if naman may buhay ang isang alikabok?)

Teka, bakit sila ganito? Nakakaloka naman ito! Ito pipilitin ko nang magsalita at kausapin ang isang ito para matapos na rin ang eksperimento kong maging isang kauri nila. Kailangan malaman ko kung paano nga ba ang buhay alikabok, bakit sila malungkot at walang gana na tila lahat sila ay gusto nang maglason sa sarili nila, (na sa kasamaang palad, walang anumang lason syempre ang tatalab sa kanila, maging atomic bomb siguro…)

“Isang malaking kahibangan ang tanong mo na iyan…” malungkot at sarkastikong sagot sa akin ng alikabok na pilit kong kinausap.

“Bakit” inosente kong tanong sa kanya, dahil sa totoo lang wala akong ideya.

“Ano sa palagay mo? Subukan mo kayang tumayo sa katayuan namin” Sagot ulit ng malungkot na alikabok.

“Ito na nga’t pinilit ko na munang maging isang alikabok para malaman ko ang dahilan eh, pero sa totoo lang hangang ngayon hindi ko alam ang sagot, nagtataka nga ako kasi masyado akong excited at natutuwa sa pagiging alikabok ko, pero kayo parang lahat kayo gusto nang magsuicide!”

“Ang pag-iral, buhay, pagkabuo, pagsilang… ay nagkakaroon lamang ng kabuluhan kung alam mong ito ay may katapusan, mawawasak o mamamatay” matalinghagang sagot sa akin ng kausap ko.

“Ahhh…pwedeng pakipaliwanag?” Talagang naguguluhan ako sa sinasabi niya.

“Kaya bang arukin ng isipan at pang-unawa mo ang panahong lumipas, dumaan, naranasan, haharapin, sasalubungin at dadanasin ng isang katulad namin? Maging ang mundo o ang simula ng panahon at oras o tadhana ay hindi kayang pantayan o sukatin ang panahon, oras at tandhanang nasumpungan at masusumpungan ng isang katulad ko.”

“Huh?”

“Hindi mo na dapat pag-aksayahan pa ng panahon ang mga katulad namin, nandito kami subalit mas nanaisin naming maging bulag at manhid o inosente ang lahat sa aming pag-iral. Nalulungkot nga kami, sa sobrang karunungan ng tao nagawa nyong bigyan kami ng pangalan o katawagan… isang alikabok? Ano nga ba ang esensya o kahalagahan ng mga katulad namin? Meron ba kaming halaga sa inyo?”

“Siguro meron… dahil sa inyo nagagawang maglinis ng mga tao, magpunas ng salaming punong-puno ng mga katulad nyo, naimbento ang walis, mask, duster, pamunas, damit, sabon, at kung anu-ano pa. Ibig sabihin nun may kabuluhan ang inyong pag-iral, at alam ng mga taong katulad ko na nandirito kayo at bahagi kayo ng buhay namin o ng kabuuan ng mundo” natutuwa ko namang paliwanag.


“Ahhh tama ka dyan, sa loob ng hindi mabilang at masukat na panahon ngayon lang namin napatunayan at nagkaroon ng kabuluhan ang aming pag-iral. Sa panahon lamang ng mga nilalang na katulad nyo… subalit hanggang kailan kayo mabubuhay o iiral dito sa mundo upang patuloy na magbigay ng halaga sa mga katulad namin?” Nalulungkot uling tanong sa akin ng kausap ko.

“Hindi ko alam, pero maaring hindi rin kami magtatagal… sa sitwasyon ng mundong kinalalagyan natin sa ngayon malabong tumagal pa ang lahi namin. Pero tama ka, nakakatakot at sa kabilang banda nakakatuwang isipin na ang mga katulad ko ay may tinatawag na katapusan o kamatayan. Siguro kaya ganito kaming mga tao, parang laging nagmamadali, parang laging mauubusan, parang laging nasa paligsahan, paramihan ng mga bagay na magbibigay sa amin ng mga panandaliang kasayahan, yaman,lupain, pangalan, kaibigan, kaaway. Ang lahat ay dahil alam naming kaming lahat ay may katapusan…” medyo magulong paliwanag ko.

“Tama ka, at iyon ang isang napaka-importanteng bagay na kinaiingitan namin sa mga katulad nyo o sa lahat ng mga bagay na may buhay…kami umiiral ayon sa inyong pananaw subalit walang buhay… kami ang simulang walang katapusan…” Malungkot uling sagot ni alikabok sa akin.

“Oo nga ano? Kayo ang simulang walang katapusan… paano kaya nangyari iyon? Pero tama ka dyan, nakaka-inip, nakakawalang gana nga naming mabuhay ng walang hanggan… parang walang kabuluhan ang patuloy na pag-iral sa loob nang hindi mabilang na panahon, malamang paulit-ulit kong papatayin ang aking sarili, siguro ang panandaliang pagkawala ng ulirat ay magbibigay sa akin ng hindi maipaliwanag na kaligayahan o satisfaction. Mabuti na lamang at naging tao ako… at bilang tao alam kong may katapusan ako, alam kong mamamatay ako… weird pero minsan ang katotohanang mamamatay ang isang tao ang siyang nagbibigay sa kanya ng inspirasyong ipagpatuloy ang buhay.” Medyo natutuwang paliwanag ko, mukhang may natutunan ako sa eksperimento kong ito ah.

Tumango na lamang ang alikabok na kausap ko sa sinabi ko sa kanya, pero nandun pa rin ang lungkot sa mukha niya. Maya maya lang ay napansin kong nagliwanag ang kanyang mukha at napangiti “Salamat nga pala, bilang isang alikabok masasabing kong ngayon hindi na ako pangkaraniwan, sapagkat sa dinami-dami ng mga kauri kong nandito ako lamang ang mapalad na pinalaanan mo ng kaunting panahon babaunin ko ito sa aking walang katapusang paglalakbay sa hinaharap at maging sa kalawakan o sa kawalan”

“(Ubo, Ubo, Ubo!) anak ng tipaklong, dahan dahan ka naman sa pagpagpag ng kama mo ang alikabok eh! Tingnan mo nagising tuloy ako sa ubo! (hatchoo!)” Inis na sita ko sa bunso kung kapatid kinaumagahan nang magising ako.


END

5 komento:

Randy P. Valiente ayon kay ...

nobela sya....gudlak sa magbabasa

Unknown ayon kay ...

randy...well kapag may tyaga may nilaga, nasa romblon ka na ba ngayon?

chokopillows- dami mo pangalan ha hehe... aarukin ko muna ang comment mo.

Randy P. Valiente ayon kay ...

choko-
lalim naman ng sinabi mo...naka drugs ka ba?

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Great work!
[url=http://pvefnaxj.com/xpzq/vmgl.html]My homepage[/url] | [url=http://wefeeubr.com/lvah/yziz.html]Cool site[/url]

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Nice site!
My homepage | Please visit