Isang pagbabalik tanaw...
Minsan niyaya ako ng pinsan kong makipaglaro sa mga kaibigan niyang anak-mayaman na nakatira malapit sa plaza ng lugar namin.
Dahil hindi ako sanay makipaglaro sa mga batang mayayaman, noong una nahiya pa akong sumama, minsan kasi narinig ko silang nag-uusap at pakiramdam ko mga batang galing sa ibang planeta sila kasi iba ang salita nila. Noong huli ko na lang nalaman na English pala ang tawag sa ganung salita.
Mahilig mag-English! Hindi ko naintindihan, pero sumama na rin ako sa pinsan ko. Gusto ko kasing malaman kung paano makipaglaro ang mga bata galing sa ibang planeta.
Pagpasok ko pa lang sa bahay, wow! Hanep kasi ang batang ito ay may kakaibang anino kahit umagang-umaga. May sunod nang sunod sa likuran niyang nakasuot pa ng puting uniform! Tapos nalaman ko yaya ang tawag niya sa anino niya! Ang sosyal naman ng batang ito.
Lalong lumaki mga mata ko nang ipakita niya sa amin ang mga laruan niya. Wow! Mga seksi at magagandang manika! Tawag daw dun Barbie!
May iba't ibang damit pa, pwedeng bihisan any time, tapos may doll house pa na magara! Ang gaganda, parang gusto kong itakbo pauwi, ah!
Nag-enjoy ako sa laro, sa wakas alam ko na kung ano hitsura ng Barbie. May ganun palang laruan?! Ang alam ko lang kasi manikang papel, nabibili sa tindahan ng piso tapos may kasamang damit na papel din.
Kaya lang kung gusto mo ng maraming damit, kailangan mo ng maraming piso, eh wala ako nun.
Kaya ang ginawa ko, takbo ako sa tindahan ng lola ko, hininge ko ang mga box na pinaglagyan ng mga kaha ng sigarilyo.
Dahil medyo may talent naman ako sa pag-drawing, ako na mismo gumawa ng sarili kong paper doll. Nag-ipon ng mga pinaglumaang notebook ng mga pinsan ko at 'yun ang ginagawa kong damit. Kulayan lang ng konti ayos na!
Gumawa ako ng sarili kong doll house, sa isang abandonadong kwarto sa bahay ng lola ko. Dahil wala nang natutulog sa papag na nasa loob ng kwarto, dun ko ina-semble ang isang marangyang bahay ng manikang papel na gawa sa mga pinagdikit na karton at papel.
Dahil ako ang gumagawa, ako ang nagdedesisyon kung ilang manika ang gusto kong tumira sa bahay. Gumawa ako ng Nanay, Tatay, Ate, Kuya, Bunso, may kambal pa at dalawang katulong. Dun siguro nagsimula ang talent ko sa pagkukuwento.
“Hello, hon, musta ang araw mo? Tsup.”
Kailangan mag-kiss palagi ang mag-asawa sa tuwing magkikita. Napanood ko 'yun sa pelikula.
“OK lang ako, hon. Siyanga pala, ito si Danny pinsan ko.”
Napanood ko rin na minsan may mga Mommy na tumatangap ng bisita sa bahay habang nasa trabaho si Daddy, tapos madalas ipapakilala niya itong pinsan 'pag dumarating ang kanyang asawa.
“Hi, Danny. Kumusta ka? Nice meeting you. Sige, mauna na ako. Nagkayayaan ang barkada, eh.”
Sasagot si Daddy, habang kakamayan ang pinakilalang pinsan ni Mommy tapos aalis na naman ng bahay.
Pagkaalis ng Daddy, biglang yayakapin ng lalaking pinakilalang pinsan si Mommy at didiretso sila sa kuwarto.
Tapos si Daddy naman diretso sa kotse ng babaeng susundo sa kanya na kunwari eh kaopisina niya.
“Hindi ba nakahalata ang Misis mo?” itatanong ng babaeng sumundo kay Daddy habang kini-kiss nito si Daddy.
“Hindi. Nalibang siguro. Dinalaw kasi ng pinsan niyang si Danny,” sagot naman ng Daddy.
Marami rin akong nabuong kuwento sa kuwartong iyun ng lola ko—ilang pamilya na rin ang nawasak at nabuo dahil sa pinagagawa ko. Ilang beses ko na ring pinag-away ang Mommy at katulong ng bahay na iyun. Pati ang mga anak eh pinag-away ko na rin, may pinalayas pa ako na bumalik nang buntis at walang asawa.
Pumisan na rin ang kaopisina ng Daddy dun sa bahay at nagsama na rin si Danny na pinsan ng Mommy at iniwan ang buong pamilya nila.
Hindi ko alam kung saan ko pinagkukuha ang mga ideyang iyun. Ang alam ko lang madalas ko itong makita sa mga palabas sa sine at sa pag-oobserba ko sa mga kapitbahay namin.
Naisip ko ganun ata talaga ang buhay ng matatanda—magulo, kumplikado, at mahirap intindihin. Pero sa isang batang tulad ko, ang mga pangyayaring ganun ay isang realidad ng buhay na pwede kong maranasan pagtanda ko.
5 komento:
mahilig din ako gumawa ng paper dolls. kakatuwa gumawa ng kung ano anong kwento. hehe
hahaha korak ate... nakaka miss maging bata noh?
bata ka pa nun, ang lakas na ng imahinasyon mo!
haaay... buhay nga naman ng mga matatanda, masyadong komplikado!
tara! mag-time travel na tayo at bumalik sa ating pagkabata! :)
na-disturb yata ako sa mga mala-telenobelang plot ng mga paper dolls mo. kung anu ano na talaga ang nasa tv noon pa man.
kahit nga ang cartoons ngayon sobrang bayolente. kaya madali nang mag-mature ang mga bata.
iwan ko nalang sa gubat ang mga chikitingengerts ko. haha
awwwww memories. I remember bumibili ako nito sa tindahan na malapit sa school. :p
hey, first time here. Interesting blog title. I hope you blog more women topics.
Take care.
:)
Mag-post ng isang Komento