Mayo 10, 2008

Bahay-bahayan Part 2


Dahil madalang ang TV noon sa lugar namin, madalas libangan ng mga bata ang paglalaro ng bahay-bahayan. Ayos kasi ang larong ito kasi lahat pwedeng isali. May Nanay, Tatay, anak, pwede mga sampung magkakapatid pa kayo at may alagang aso pa kunwari. Pwede rin kunwari may kapitbahay kayo, kaya ang ibang bata may chance din na makasali at gumawa ng sarili nilang bahay.

Minsan may mga batang tipong loner naman o mas gusto maglaro mag-isa at sasabihin, “O, kunwari may tindahan ako dito sa tabi, ha?” Kaya ayun, siya maglalagay ng tindahan kunwari na wala namang lumalapit para bumili dahil nga mas gusto niya pang kausap sarili niya kesa makipag-usap sa ibang bata.

Kami ng mga pinsan ko, madalas kami maglaro ng bahay-bahayan sa likod bahay ng tita ko, malaki kasi ang espasyo sa likod ng bakuran nila. Tiis na nga lang kami sa amoy ng kulungan ng baboy na nasa likod bahay din.

Syempre bago magsimula ang bahay-bahayan hakot muna ng gamit—sirang plywood, sakong pinaglagyan ng bigas, mga dahon ng saging o anahaw para sa bubong, mga karton, kawayan o kahoy, kurtina ni Nanay o kumot ni Tatay pati lampin ni baby minsan naisasama.

Syempre hindi rin pwedeng kalimutan ang pako, tali, at kung anong pwedeng gamitin para mabuo ang bahay.

Kapag kumpleto na sa gamit, ayan pwede nang simulan ang paggawa bahay!

Sabi ng isang kalaro kong pangarap na maging engineer, “O, ipako mo dito 'yan para sa haligi” ngayon isa na po siyang mason o helper ng mga karpenterong gumagawa ng bahay.

Ang isa namang gustong maging architect paglaki, ito ang dialogue: “Mas maganda kung dito natin ilalagay ang kusina at dapat ganyan lang sya kalapad para naman balanced at hindi masagwa tingnan 'yung buong bahay.” Ngayon isa na po siyang kartonista sa komiks!

“Hoy! Ayusin natin ang bahay natin. Dapat mas maganda sa gagawin nila Tikya, ha!” sabi naman ng isa kong kaibigan na pangarap maging beauty queen paglaki niya. Ngayon po ay isa na siyang maybahay na may labing-isang anak. Napangasawa niya pala ang mason.

“Huwag na makulit, Badol! O, isusumbong kita sa Nanay mo!” Dialogue naman ng isang batang gustong maging pulis. Ngayon po ay Barangay Tanod siya sa lugar namin.

At alam nyo kung ano naman ginagawa ko? May hawak akong papel at ballpen!

Dahil gusto kong maging manunulat paglaki ko? No! You’re wrong! Kasi po habang nagkakagulo mga kalaro ko sa paggawa ng bahay, nagpapataya ako ng ending sa basketball!

Sa wakas natapos na rin ang bahay! Syempre dapat magluluto at kakain kayo, 'di ba? Pangit naman 'yung may sariling bahay at pamilya kayo kunwari wala naman kayong makain.

Kaya ang ginagawa ganito:

“O, ikaw magdadala ka ng dalawang basong bigas.”

“Ikaw, kandila at gaas para sa kalan.”

“Sa 'yo ang mantika, tuyo, at asin.”

“'Kaw, tingnan mo kung anong ulam meron sa bahay niyo magdala ka na rin dito, ha?”

Syempre dahil mga bata at wala naman kaming sariling pera para bumili ng bigas, kanya-kanyang takbo kami sa mga bahay namin. Palihim na kukuha ng bigas sa bigasan, magsasalin ng mantika, tuyo sa plastic, kukuha ng uling o anumang panggatong na makita sa bahay.

Makalipas ang ilang minuto, nasa bahay-bahayan na ulit, mag-aagawan kung sino magluluto, walang gustong mag-igib ng tubig at walang gustong mautusang kumuha ng mga kahoy na panggatong. Madalas kung sino ang taya sa ibang laro, 'yun ang madalas na tagasalo ng mga gawaing walang gustong gumawa.

Maya-maya luto na! Yehey, kainan na! Magpapalakpakan pa kaming lahat niyan.

“O, patikim nga!” Tumikim naman.

“Hmn. Teka uwi muna ako sa amin, ha?”

Hanggang isa-isa nang mawawala ang mga bata, nagsiuwian na kasi sa kanilang bahay para dun kumain.

Naisip ko mahirap palang maglaro ng bahay-bahayan, pati pagkain kasing naluluto dun eh lasang laruan!

Sa larong bahay-bahayan ko rin natutunan na pwede palang magbatuhan ng bahay ang mga magkakapitbahay!

Kasi kapag nagsawa na kami sa laro at nagkainitan na, ito na ang susunod na eksena:

'Yung isang batang dumayo at medyo napagtripan ang isa sa mga kalaro ko, biglang babatuhin ng ginawa naming bahay-bahayan.

Syempre gaganti naman kami. Dadayuhin naman namin ang bahay-bahayan nila para batuhin! Matira matibay dito! Kaya madalas ang mga bahay na gawa sa pinagtagping sako at mga dahon ng saging ang unang bumibigay.

Noong unang salta ko nga ng Manila, akala ko mahilig din maglaro ng bahay-bahayan ang mga tao dito. Nang mapadaan kasi ako sa Parola, ang area kung saan dito halos naka-concentrate ang malaking porsyento ng mga squatters sa Tondo, napansin kong karamihan sa mga bahay dito ay siksikan, dikit-dikit at ang marami ay gawa sa mga pinagtagping yero, sako, plywood, tela at goma, minsan nga may nakita pa akong mag-anak na nakatira sa kariton.

Noong una, natuwa pa ako dahil naisip ko, Wow ayos, ah! Cool na cool! Ang tatanda na nila naglalaro pa sila ng bahay-bahayan!

Pero nang ma-realize kong bahay na nga talaga ng isang tipikal na pamilyang Pinoy ang ganun sa lugar na iyun, nalungkot akong bigla.

Naisip ko, lasang laruan din kaya ang pagkain nila?

Walang komento: